Magsisiyasat ang Senate committee on public information and mass media na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla, kaugnay sa umano’y sexual harassment incident tungkol sa isang artista ng GMA Network.
Inihayag ito ni Padilla sa plenaryo sa sesyon ng Senado nitong Lunes para malaman umano ang katotohanan sa mga lumabas na balita.
Hindi binanggit ni Padilla ang pangalan ng aktor.
“Hindi po natin sinasabi na may sabit dito ang GMA-7. Hindi po. Ang sinasabi po natin dito kailangan magkaroon ng malinaw, malinaw na pagpapaliwanag sa komite ng mass media ang naganap na ito sapagka’t ito po ay public information,” paliwanag ng actor-turned-politician.
Ayon naman sa GMA Network Inc., makikipagtulungan sila sa komite ni Padilla at magpapadala sila ng kanilang kinatawan sa gagawing pagdinig. —FRJ, GMA Integrated News