Dumalo ang aktres na si Maricel Soriano sa Senate committee on public order and dangerous drugs, dahil sa pagkakadawit ng pangalan niya at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr,. sa ilegal na droga base sa lumabas na confidential report umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na itinanggi naman ng mga kasalukuyang opisyal ng ahensiya.
BASAHIN: PDEA insists leaked docs linking Marcos to drugs non-existent
“Unang-una po hindi ko ho alam ‘yung tungkol sa mga dokumento. Nalaman ko na lang ‘yan nu’ng pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam,” sagot ni Soriano nang tanungin tungkol sa sinasabing dokumento mula sa PDEA.
Sa inihanda niyang pahayag, sinabi ng aktres na nalilito siya kung bakit inimbitahan siya sa naturang pagdinig ng Senado na ginanap nitong Martes.
“Sa totoo lang po, hindi malinaw sa akin kung bakit ako naimbitahan sa hearing. Nagtataka lang po ako dahil lahat po ng tumestigo dito ay nagsabing hindi na-verify ang impormasyon ni Mr. Morales at walang imbestigasyon na naganap. Pasensya na po kung nalilito po talaga ako dito,” patungkol ni Soriano kay ex-PDEA intelligence officer Jonathan Morales, na naunang tumestigo sa komite at sinabing siya ang pumirma sa sinasabing confidential report na lumabas.
Batay sa sinasabing leaked PDEA pre-operation report na may petsang March 11, 2012, nakasaad na “a group of showbiz and politically affluent personalities are frequently using illegal drugs” sa loob ng isang condominium sa Makati City.
Sinabi ni Morales sa pagdinig na may typographical error sa report tungkol sa numero ng condominium unit.
Bagaman tumanggi ang pamunuan ng condominium na sabihin kung sino ang may-ari ng unit dahil sa privacy issue, kinumpirma ni Soriano na sa kaniya iyon pero naibenta niya na noong 2012.
“Opo, hanggang 2012 po. Nabenta ko na ho ‘yun. Wala na ako dun,” saad ng aktres.
Hindi na matandaan ng aktres kung kailan niya naibenta ang unit pero hindi na umano siya ang mag-ari nito mula noong 2012.
Sa pagtugon sa tanong ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng komite, itinanggi ni Soriano ang lumabas na ulat na tumakas ang dalawa niyang dating kasambahay sa condo– at nagsampa ng reklamo laban sa kaniya ng serious physical injuries– dahil sa paggamit umano niya ng cocaine.
“Hindi po totoo ‘yan,” giit ng aktres.
Sinabi ni Soriano na nagnakaw umano sa kaniya ang naturang dalawang kasambahay.
Nang tanungin kung binugbog niya ang mga kasambahay, tugon ni Soriano, “Paano ko naman po bubugbugin dalawa po sila? — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News