Inilahad ni Luis Manzano na sumailalim siya sa biopsy para alamin kung cancerous ang nakaumbok sa kaniyang ulo na inakala niyang “nunal.” Ang medical procedure, hindi ipinaalam ng aktor sa kaniyang ina na si Vilma Santos-Recto.
Sa YouTube vlog ni Luis, ibinahagi ng TV host-actor na nagpasya siyang kumonsulta sa duktor at sumailalim sa mga medical test–kasama na ang biopsy– para alamin kung malignant o benign ang bukol niya sa ulo.
“May kailangan i-biopsy dito sa taas ng ulo ko. Parang ang biopsy kung ‘di ako nagkakamali ay i-check kung cancerous or not or kung malignant or benign,” saad ng aktor.
Ayon kay Luis, una niyang inakala na nunal ang naturang nakaumbok sa ulo niya.
“Akala ko dati pa, nunal. Kaya niloloko ko ‘yong mga tao na matalino ako, may nunal ako dito [sa ulo],” biro niya.
Hanggang sa napansin umano ng kaniyang stylist na ang lumaki ang inakala niyang nunal.
Nangamba si Luis na baka maging skin cancer ito o melanoma kaya nagtungo umano siya sa dermatologist. Sinabihan naman siya na mukhang “OK” ang “nunal” pero pinayuhan siyang kumonsulta pa rin sa surgeon.
Dito na inirekomenda na isailalim sa biopsy ang “nunal.”
“Hindi araw-araw kasi na naririnig mo ‘yung salitang biopsy. Kahit na nandoon pa rin ‘yung sinasabi nila na ‘mukha namang wala,’ pero ‘yung the fact lang na parang never mong naiisip na pagdaraanan mo ‘yun. Kasi, if sabihin mo bigla na may kailangan kang i-biopsy, kahit sabihin mo na precautionary lang, kahit sabihin mo just to be sure, parang puwedeng cancer comes to mind o ano man,” sabi ni Luis.
“Ang cancer kasi it’s one of those things na kahit sa kalaban mo, hindi mo iwi-wish ‘yun. Ang dami kong mga kakilala na, unfortunately, nadali na ng cancer. And you see na it’s very life-changing para sa kanila. So, even if nandoon ‘yung reassurance pa rin na sinasabi nila na wala ‘yan, precautionary ‘yan, pero the fact lang na may .000001,” patuloy niya.
Sinabi ni Luis na hindi na niya ipinaalam sa kaniyang ina na si Vilma Santos ang kaniyang ginawa dahil ayaw niya itong mag-alala. Tanging ang asawa lang niya na si Jessy Mendiola at kasama sa bahay ang kaniyang sinabihan.
Aminado naman ang aktor na hindi pa rin niya naiwasan na mangamba habang hinihintay ang resulta ng biopsy.
“Do I feel OK? Yes. Apat na doktor na ang nagsabi na malabo-labo talaga na it’s cancerous or kung ano man may konting kaba? Siyempre. Kasi i-stitch ‘yan e, isasama ko kayo sa procedure parang tatanggalan ng sample tapos 2-3 stitches so papanoorin ko kayo. But para sa akin ang main goal ko is to create awareness kasi napak rami siyempre ‘yung mga binabantayan na mga nunal growth, kita ‘yan sa mga katawan,” paliwanag niya.
Matapos ang isang linggo, lumabas na ang resulta ng biopsy at sinabihan siya ng duktor na mukhang “OK” naman o benign ang nakuha sa kaniya pero gagawa pa ng blood test (immunohistochemistry) sa kaniya.
Sa May 12, mapapanood si Luis, kasama si Vilma, at kapatid niyang si Ryan Christian Recto, sa first episode ng Boy Abunda’s TV special, “My Mother, My Story.” —FRJ, GMA Integrated News