RECENT NEWS

Home » Entertainment » Arnold Clavio, namanhid, lumamig ang kanang braso habang nagmamaneho nang magka-hemorrhagic stroke
Arnold Clavio, namanhid, lumamig ang kanang braso habang nagmamaneho nang magka-hemorrhagic stroke - Pinas Times

Arnold Clavio, namanhid, lumamig ang kanang braso habang nagmamaneho nang magka-hemorrhagic stroke

Walang oras na pinipili ang pag-atake ng hemorrhagic stroke kahit na nagmamaneho gaya nang nangyari sa Kapuso broadcast journalist na si Arnord Clavio. Alamin ang sintomas na kaniyang naramdaman upang maging alisto laban sa traydor na karamdaman na ito.

Dalawang linggo makaraang mangyari ang naturang health scare, nagpapasalamat si Arnold na nakaligtas siya sa hemorrhagic stroke kung saan nagkaroon ng pagdurugo sa ugat ng kaniyang utak at hindi siya nakadisgrasya habang nagmamaneho.

Sa isang therapy session ni Arnold, binisita siya ni Jessica Soho para kumustahin at alamin ang mga nangyari nang araw na makaranas siya nang biglang paghihina sa kanang bahagi ng katawan habang nagmamaneho.

“Hindi ko alam talaga mangyayari sa akin ‘to. Pero sabi nga hinay-hinay, unti-unti e makakabati uli ako ng ‘Magandang umaga, mga ‘Igan!'” sabi ni Igan tungkol sa isinasagawa niyang rehabilitasyon.

Pauwi na noong June 11 mula sa paglalaro ng golf nang makaramdam nang kakaiba sa katawan si Arnold.

“Bigla na lang lumamig ‘to, right side ko, right arms ko. Malamig siya na mabigat. Erratic ‘yung drive ko. ‘Ano ‘to?’ Tapos hindi ko na matapakan ‘yung brake and gas, tumatagos ‘yung paa ko. Sabi ko, ‘Naku! Hindi ko gusto ‘tong nangyayari,'” kuwento ni Igan.

“So ite-text ko si Ina. Naku! Iba-ibang letra na ‘yung nasa cellphone. Hindi na makabuo ng salita. Tapos nakita ko ‘yung speedometer ko parang ang bilis ko hindi naman ako tumatapak. ‘Yun pala natatapakan ko siya nang mabilis [pero hindi ko nararamdaman],” patuloy niya.

Matapos sandaling tumigil sa gas station para suriin ang sarili, naghanap na siya ng pinakamalapit na ospital.

“Maya-maya, dumating na ‘yung mga resident nurse saka ‘yung doktor sa ER. Sabi niya, ‘Sir, ang BP ninyo po is 220/120,'” saad niya habang ang 270 naman ang kaniyang sugar level.

Nang isailalim sa CT scan, nakita na ang bahagyang pagdurugo sa kaniyang utak at sinabing nakaranas siya ng hemorrhagic stroke.

Ayon sa neurologist na si Dr. Greg David Dayrit, ilan sa mga dahilan ng stroke o brain attack, ay high blood pressure, head injury, blood clots, at iba pa.

“Nagkaroon siya ng intracerebral hemorrhage. It’s a brain hemorrhage due to a rupture of an artery sa brain. So may pumutok na artery dun sa kaniyang utak,” paliwanag ni Dr. Greg.

Napalala ang kondisyon ni Arnold dahil sa mataas niyang blood sugar level.

“Kasi si Arnold, diabetic din siya. Ang mga diabetic, maraming complications. Hindi purely effect lang nung stroke, but puwede siyang nagkakaroon na ng complication ng diabetes, which is diabetic neuropathy. Kaya nagkakaroon siya ng mga pins and needles sa kaniyang mga kamay, paa,” sabi ni Dr. Greg.

“Ang galing ng ginawa ni Arnold, presence of mind. Pumunta siya kaagad sa nearest hospital. ‘Pag hindi niya ginawa ‘yun, puwedeng lumaki ‘yung hemorrhage,” dagdag ng duktor.

Itinuturing ni Arnold na masuwerte siya sa kabila ng nangyari dahil idineklara na siyang “out of danger.”

Gayunman, nag-iwan ng epekto sa kaniyang pagkilos at paglakad ang sinapit na stroke kaya kailangan niyang sumailalim sa physical therapy.

Ayon kay Arnold, sa halip na tanungin kung bakit sa kaniya iyon nangyari, ani Igan, “Ang tanong ko pa hindi ‘yung ba’t ako e, ang tanong ko pa ‘ano pa ang gagawin ko for Your glory?'”

Ayon kay Dr. Greg, ilan sa senyales o sintomas ng stroke ay matatandaan sa tinatawag na “BEFAST.”

“Ito ‘yung tawag natin na bigla na lang na sumakit ang ulo o mahilo. Tapos yung I—eye signs, biglang lumabo, nabulag o nagdoble paningin,” paliwanag ng duktor tungkol sa B para sa balance.

Patuloy niya, “‘Yung F stands for face, facial asymmetry, mangiwi. ‘Yung A, arm, arm drift, bumabagsak ‘yung kamay. ‘Yung S, speech, sudden speech na difficulty na kung nagkaroon ng pagkabulol or worse hindi makapagsalita. In letter T, very crucial is time. Sa stroke, very important ‘yung time.”

Babala ng duktor, maaaring umatake muli ang stroke.

“And nobody knows kung sino ‘yung tatamaan ng another stroke. The more risk factors, the higher the risk for another stroke.  Kaya kailangan bawasan ang stress. It can be stress mentally or stress physically,” payo niya

Dahil sa nangyari, natutunan ni Arnold na bantayan na rin ang kaniyang blood pressure at hindi lang ang sugar level.

“Wala na akong mahihiling. Kaya kung anuman ‘yung mangyari, handa na rin ako. Kaya sinasabi nila doktor na ‘Ingat ka sa second attack.’ S’yempre nandun tayo sa pag-iingat. Pero kung sakali man panibagong pagsubok ‘yun, pasalamat pa rin ako sa blessings na naidulot nun,” ayon kay Igan.—FRJ, GMA Integrated News

For more News like this Visit Pinas Times

Marcos to seek specifics from Biden on US defense commitment - Pinas Times
Marcos to seek specifics from Biden on US defense commitment - Pinas Times
Receive the latest news

Subscribe To Our Daily Newsletter

Get notified about new articles

Subscription form - Summary

Receive the latest news

Subscribe To Our Daily Newsletter

Get notified about new articles

Subscription form - Summary