Kahit nakagawa na ng ilang Hollywood film projects si Lovi Poe, inihayag ng aktres kung bakit siya naiilang na tawaging Hollywood actress.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” si Lovi ang naging bisita ng King of Talk.
Tinanong ni Tito Boy si Lovie kung bakit naiilang siya kapag may nagsasabing isa na siyang Hollywood actress.
“I think I consider myself just an actress in general… It’s like, for me, I’m an actress and ‘yun nahihiya ako, but that’s how I see myself, really, and I could be acting anywhere, I’m always here,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga nagawang proyekto ni Lovi ang Hollywood films na “The Chelsea Cowboy” at “Bad Man.”
Nitong Marso, iniulat na kasama si Lovi sa cast ng isang pelikula na gagawin ng producer-director na si Garry A. Brown, na nasa likod ng “Agents of S.H.I.E.L.D.” at “Prison Break.”
Ipinaliwanag din ni Lovi ang pagkakaiba ng Hollywood at showbiz sa Pilipinas na inilarawan niya ang una na, “something that’s a bit more subtle.”
“Siyempre they’re gonna tell you to tweak if they wanna go higher or lower pero more on subtle conversational kasi. Here, iba naman ‘yung atin na nakasanayan natin dito,” saad niya.
Sa naturang episode, inihayag ni Lovi ang kalungkutan sa pagpanaw ng kaniyang manager na si Leo Dominguez at Regal Entertainment matriarch na si Mother Lily Monteverde.
Para kay Lovi, kabilang sina Leo at Mother Lily sa mga pinakamahalagang tao sa buhay niya.
Sa bago niyang pelikula na “Guilty Pleasure,” sinabi ni Lovie na ito ang unang pelikula na hindi na makikita ni Leo, na nagsilbi niyang father figure.
Ang naturang pelikula naman ang isa sa mga huling pelikula na inaprubahan ni Mother Lily.
Kasama ni Lovi sa Guilty Pleasure sina JM De Guzman at Jameson Blake, sa direksyon ni Connie Macatuno. Ipapalabas ito sa mga sinehan sa October 16.