Inihayag ni Carla Abella ang dahilan ng kaniyang pagkaka-ospital noong nakaraang buwan na muntik nang mauwi sa sepsis.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng aktres na tatlong araw siyang namalagi sa ospital.
“Dun ko nalaman na may complications na pala; kidney stones, UTI, muntik na ako mag-sepsis. So na-confine ako for three days hanggang sa nag-beg na akong umuwi kasi na-miss ko ‘yung mga aso ko. Tsaka kailangan ko nang bumalik ng trabaho,” ayon kay Carla.
“Thankfully pinayagan naman akong umuwi,” dagdag niya.
Tiniyak ni Carla na maayos na ang kaniyang lagay batay na rin sa resulta ng mga laboratory test sa kaniya.
“Wala na ‘yung infection, OK na, clear na ‘yung lab tests, x-ray, everything, so ‘yung ano na lang talaga, ubo,” dagdag niya.
Kahit may sakit at nakaratay sa ospital si Carla, nakatutok pa rin siya sa kinabibilangan niyang hit Kapuso series na “Widows’ War.”
Bagong dagdag na karakter sa serye ang driver na si Rochelle o Rico, na ginagampanan ni Rikki Mae Davao, na anak sa tunay na buhay nina Ricky Davao at Jackie Lou Banco.
Proud member si Rikki Mae ng LGBTQIA plus community, at very happy raw siya sa kanyang first Kapuso serye.
“Naa-appreciate ko nga yung pagkasulat nito kasi yung name ko nga is si Rochelle pero I really make it a point na no, I prefer Rico. So you know merong gender identity and sensitiviy which is kumbaga I would love to be a representative of that,” saad niya.
Kasama rin sa murder-mystery series sina Bea Alonzo, Tonton Gutierrez, Jean Garcia, Rita Daniela, Jeric Gonzales, Benjamin Alves, Juancho Triviño, Jackie Lou Blanco, James Graham, at marami pang iba.
Napapanood ang “Widows’ War” mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8:50 p.m. sa GMA Prime.